Misteryosong kaluskos sa bubungan na kinatatakutan sa Pangasinan, gawa raw ng mag-asawang manananggal?

Isang pamilya sa Barangay Bued sa Calasiao, Pangasinan ang nababalot ng sindak dahil sa pinaniniwalaan na mag-asawang manananggal na diumano’y umaali-aligid sa kanilang bahay.

Ayon sa ulat ng GMA, humingi ng tulong sa Kapuso Mo Jessica Soho (KMJS) ang pamilya ni Marielle, hindi niya tunay na pangalan, upang malaman daw ng lahat ang kababalaghang nangyayari doon.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Batay sa sulat na ipinadala ni Marielle, mag-asawang manananggal daw ang nagtutungo sa bubungan ng kanilang bahay sa pagitan ng alas-onse ng gabi at ala-una ng madaling araw.

Aniya, limang sunud-sunod na gabi na ang ginagawang pamemerwisyo ng mga nilalang.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Kuwento pa niya, nauna nang namerwisyo sa kalapit na lugar ang isang manananggal at nang mapuno na ng bawang at asin ang mga bubungan ng mga bahay doon ay sa kanila naman lumipat.

Nakita raw mismo ng nobyo ng anak ni Marielle ang manananggal nang isang gabi ay muling umatake iyon.

“Malaking-malaki po ‘yung pakpak niya,” ani Marvin Ramos.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Nagpasya ang team ng KMJS na magtungo sa Calasiao at kapanayamin si Marielle.

Sa kalagitnaan ng panayam ay biglang may narinig sila na kumalampag sa bubungan. Agad namang sinilip ng KMJS team ang bubungan upang silipin kung ano ang pinanggalingan ng tunog, ngunit wala silang nakita.

Muli nilang sinilip ang bubungan nang muling may kumalampag, ngunit ayon sa isang miyembro ng KMJS team, mga daga raw ang nakita niya sa mga yero. Hindi naman kumbinsido si Marielle na daga ang may gawa ng tunog na naririnig nila tuwing gabi.

Upang masiguro ay naglagay ng mga CCTV camera sa bubungan ang KMJS team.

Sa unang gabi ay muling kumalampag ang bubungan ng bahay. At nang tingnan nila sa monitor ay hindi manananggal ang kanilang nakita kundi isang pusa. Ganoon din ang nangyari noong ikalawang gabi. Pusa ulit ang nakita ng CCTV camera.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Nanindigan naman si Marielle na hindi pusa ang may gawa ng mga misteryosong kaluskos na kanilang narinig. Maging ang mga residente sa kalapit na barangay ay naniniwalang manananggal ang gumagambala sa kanila tuwing gabi.

Ang panalangin nila sana ay tumigil na sa pamemerwisyo ang manananggal.