Magkapatid na Claudine at Gretchen Barretto, nagkaayos dahil sa isang yakap

Kung naging mainit ang palitan ng alegasyon ng magkapatid na Claudine at Gretchen Barretto noon, inamin ng dalawa na isang mahigpit na yakap lamang ang umayos sa anim na taong gusot nila.

Ikinuwento ng magkapatid sa kanilang Instagram Live na winakasan nila ang matagal nilang sigalot sa isang simpleng yakap lamang.

“Nagkita lang kami and then we hugged each other. Then ayun na iyon, the rest is history,” sabi ni Gretchen.

Larawan mula sa ABS-CBN News

Ipinaliwanag din nina Gretchen at Claudine sa kanilang dalawang oras na Instagram Live video na kailanman ay hindi nila isinarado ang posibilidad na muli silang magkakaayos.

“I always knew that one day mapapatawad ko si Claudine,” sabi ni Gretchen.

Taong 2013 nang mamuo ang tensiyon sa pagitan ng dalawang Barretto dahil sa pagbabahagi ni Gretchen ng problema umano ni Claudine sa kanyang ‘bisyo’ at mental health na ikinagalit pa ng mga magulang nila.

Nag-umpisan namang mapansin ng mga netizens na unti-unti nang naaayos ang relasyon ng dalawa noong 2017 dahil sa magagandang palitan nila ng mensahe sa social media, kasabay ng pagtatanggol ni Gretchen laban sa mga kritiko ng nakababatang kapatid.

Larawan mula sa Trending Moments Page

Unti-unting nagkaroon ng linaw na maayos na nga ang lahat sa kanila nang alagaan ni Gretchen si Claudine nang naospital ito sa ‘di ipinahayag na dahilan.

Gayunman, nabahala ang mga fans nila nang muling magkagalit ang dalawa nang idawit ni Kris Aquino si Claudine sa hidwaan nila ni Gretchen dahil sa paglalabas nito ng opinyon sa mga kasong inihain ni Aquino laban sa dating staff nito na si Nicko Falcis.

Ngunit tila hindi naapektuhan ng isyung ito ang magkapatid pagkat patuloy ang pagkikita ng dalawa, kabilang na ang ginawang surpresa ni Claudine para sa kaarawan ng nakatatandang kapatid nitong Marso 7.

Bahagi lamang ng isinagawang IG Live session ng magkapatid ang paglalahad ng kanilang pagkakaayos dahil umikot ang kanilang usapan sa pagpuna sa vlog ng kanilang pamangkin na si Dani Barretto at sa naging alitan sa isa pang kapatid na si Marjorie.