Gasoline boy na nagpamalas ng kabutihan, pinagkalooban ng nakagugulat na gantimpala

  • Isang South African gasoline boy ang nakatanggap ng malaking gantimpala mula sa isang motorista matapos niyang abonohan ang gaas nito dahil naiwan ang bank cards sa bahay
  • Binalikan siya ng motorista upang gantimpalaan sa pamamagitan ng isang fund–raising na umabot sa halos 8 taon niyang suweldo bilang gasoline boy
  • Umani ng papuri mula sa kanyang mga kababayan ang ipinakitang malasakit at kabutihang–loob ng gasoline boy na ginantimpalaan din ng gasoline station company na kanyang pinaglilingkuran

May kasabihan tayo na kapag nagpakita at nagbigay ka ng kagandahang–loob sa iyong kapwa, doble ang balik nito sa iyo.

Subalit higit pa riyan ang nangyari sa isang gasoline boy sa South Africa matapos niyang tulungan ang isang motoristang nawalan ng gaas para sa kotse sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng gaas, makaalis lamang. Bilang pagtanaw ng utang na loob, ginantimpalaan siya nito na katumbas ng kanyang 8 taong suweldo.

Ayon sa ulat ng “Times Live”, nakilala ang naturang South African gasoline boy na si “Nkosikho Mbele”, 28 taong gulang, at ang kanyang tinulungan ay si “Monet van Deventer”, 21 taong gulang na isang “Puti”.

Naiwan ni Deventer ang kanyang mga bank cards sa bahay. Dahil likas ang kagandahang–loob ni Mbele, inabonohan niya ang gaas nito na nagkakahalagang 6.31 US dollars.

Image capture mula sa News 24 via YouTube channel

Hindi inakala ni Mbele na muli siyang babalikan ni Deventer upang ipagbigay–alam sa kanya na nagsagawa siya ng fund–raising para kay Mbele, bilang pagtanaw ng utang na loob at gantimpala rito. Umabot ito ng halos US $32,972. 94 na katumbas ng 8 taong suweldo ni Mbele bilang gasoline boy.

Ayon kay Mbele, ginawa lamang daw niya ang nararapat gawin ng isang tao sa kanyang kapwa—ang pagtulong sa mga nangangailangan, itim man o puti, mula sa kaibuturan ng kanyang puso.

“I was just doing what anyone else have done, from the heart. I believe there is no black and white and that we are all one people and I just want to bring people together,” saad ni Mbele.

Image capture mula sa News 24 via YouTube channel

Dahil pa rin sa positibong pangyayaring ito, ginantimpalaan din siya ng gasoline station company na kanyang pinagtatrabahuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash reward. Mapupunta ang gantimpalang ito sa napiling charity ni Mbele.

Pinakiusapan din ni Mbele ang “BackaBuddy”, ang fund–raiser na hiningan ng tulong ni Deventer, na ingatan na muna nila ang napakalaking halaga ng kanyang salapi upang maprotektahan ito.

Pagbati sa iyo,  Nkosikho Mbele! Nawa ay pamarisan ka rin ng iba!