Kilalanin: Siyam na dekadang modelo ng pagkaing pambata

  • Matapos ang mahigit 90 taon, muling ipinakita sa publiko ang baby na naging official logo ng produktong Gerber
  • Maliban sa paglabas sa logo, naging English teacher at novelist si Ann Turner Cook
  • Inilahad rin ni Cook kung paano siya naging logo ng sikat na produkto

Sa Facebook page na Nostalgia Philippines ay ibinahagi ang larawan ng isang matandang babae na may hawak na framed logo ng sanggol na karaniwan nating nakikita sa mga sikat na pagkaing pambata. Nakahahatak ng kuryosidad. Siya pala ‘yun? Ang sanggol sa popular na logo?

Imahe mula sa Facebook via Nostalgia Philippines

Balik-tanaw

Isa sa mga naging tanyag na pagkain at produkto para sa mga bata sa buong mundo ay ang Gerber. Inilunsad ito ng mag-asawang Daniel Frank at Dorothy Gerber noong 1927 para makagawa ng mga masusustansyang produkto para sa kanilang anak na si Sally.

Dahil naging matagumpay ang paglulunsad nila ng canned fruits and vegetables para sa kanilang anak, naisipan nilang palawakin ang kanilang negosyo at magkaroon ng official branding at logo noong 1928.

Simula noon, tumatak na sa kanilang mga suki ang mukha ng isang baby sa kanilang official logo.

Larawan mula sa Instagram account ng Gerber

Hiwaga pa rin sa ilan kung sino nga ba ang sanggol sa logo ng Gerber. At sa pagdiriwang ng ika-90 taong anibersaryo ng baby products, ipinakilala sa publiko ang ngayon ay 92-anyos nang si Ann Turner Cook na siyang naging mukha ng Gerber sa loob ng siyam na dekada.

Ayon sa ulat ng Today news website, si Cook ay kasalukuyang nakatira sa Tampa, Florida at isa nang retiradong guro sa English at isang novelist.

Isinilang si Cook noong November 20, 1926 at naging opisyal na mukha ng Gerber bago pa siya maging dalawang taong gulang. Nanalo si Cook nang isali ng kapitbahay nila na artist na si Dorothy Hope Smith ang sketch niya.

Nanalo sa patimpalak ang sketch ni Smith kay Cook dahil raw sa magulong buhok nito at inosenteng mukha. Hindi raw inaasahan ni Cook at ng kanyang pamilya na ito ang magiging daan para makilala ang batang-bata na si Cook.

Larawan mula sa Instagram account ng Gerber

Kamakailan, ginulat ng Gerber ang kanilang mga parokyano dahil nagkita si Cook at ang kanilang bagong Gerber ‘spokesbaby’ na si Lucas. Gumawa ng kasaysayan ang dalawa dahil nagkita ang naging mukha ng produkto sa loob ng siyam na dekada.

Naging tradisyon na ng Gerber na maghanap ng kanilang ‘spokesbaby’ maliban sa kanilang official logo na magiging mukha o ambassador ng iba’t ibang Gerber products sa loob ng isang taon. Kamakailan, ginamit ng Gerber ang social media na Instagram para hanapin ang susunod na ‘spokesbaby.’