Reporter nagbalita pa rin kahit hanggang leeg na niya ang baha

  • Isang journalist sa Pakistan ang pumukaw ng atensyon ng maraming tao dahil sa kaniyang ginawang katapangan bilang isang mamamahayag
  • Ang reporter ay si Azadar Hussain, na hinangaan dahil sa kaniyang pagbabalita kahit hanggang leeg na ang abot ng baha sa lugar kung saan siya nagbabalita
  • Ginawa umano ito ni Hussain upang ipakita ang paghihirap na nararanasan ng mga residenteng apektado ng malubhang baha sa lugar na iyon
Imahe mula GTV News via YouTube channel (i-click ang imahe upang mapanood ang full video)

Kilala ang mga journalist bilang “watch-dog” ng lipunan. Sila ang unang nakatatanggap ng impormasyon at nakakakita ng mga tunay na nangyayari sa kapaligiran na kanila namang ibinabahagi sa publiko nang patas at walang kasinungalingan.

Kalimitang ang mga journalist ay malalakas ang loob at handang sumuong sa kahit anong pagsubok maibigay lamang sa publiko ang mga impormasyon na kinakailangan nilang malaman.

Dito sa Pilipinas, kabilang sa mga respetadong journalist sina Jessica Soho, Mike Enriquez, Noli de Castro, Kara David, at marami pang iba. Nakilala sila dahil sa ipinakita nilang husay at kakaibang tapang bilang mamamahayag.

Habang kamakailan lang, isang reporter sa Pakistan ang pumukaw naman sa atensyon ng buong mundo pagkatapos niyang magbigay ng balita habang nakalubog sa baha na abot hanggang kaniyang leeg.

Ang journalist ay nakilalang si Azadar Hussain na nagtatrabaho sa national news channel GTV ng Kot Chutta sa Pakistan.

Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, lumubog na ang malaking bahagi ng hilagang Pakistan lalo na sa rehiyon ng Kot Chatta kung saan nakadestino si Hussain.

Imahe mula GTV News via YouTube channel

Bago pa man live na mag-ulat si Hussain, una nang ibinalita ng GTV presenter na nasa studio ang walang tigil na pag-ulan sa rehiyon. Ayon pa sa presenter, ginusto umano ni Hussain na sumulong sa hanggang leeg na baha upang ipakita ang tunay na kalagayan ng mga lokal na naninirahan sa Kot Chatta.

Tumambad sa video ang nakalubog nang si Hussain habang nakataas naman ang kaniyang kanang kamay na may hawak ng mikropono. Makikita lamang sa video ang ulo ni Hussain at hawak nitong mic habang lubog sa baha ang kaniyang paligid.

Ayon sa kaniyang ulat, ang baha umano ay galing sa umapaw na ilog ng Indus at sumira na sa halos buong kalupaan ng mga magsasaka at kabahayan ng mga lokal na residenteng malapit na naninirahan sa ilog.

Imahe mula kay Salman Qureshi via Twitter

Dagdag pa niya, ayon daw sa mga lokal na residente na nasalanta na ng baha, wala pa raw mga awtoridad ang gumagawa ng aksyon upang sila ay matulungan lalo na at patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig. Marami na rin umanong kalupaan at kabahayan ang nasira ng pagbaha. Nais na rin umanong magprotesta ng mga residente at umapela sa kanilang Chief at Prime Minister upang mabigyan na sila ng agarang tulong bago pa man lalong lumubha ang kanilang kalagayan.

Ang video na ito ni Hussain na naging viral sa iba’t ibang social media sites ay umani ng papuri mula sa mga netizens. Kakaiba umanong tapang sa pamamahayag ang ipinamalas ni Hussain sa pagbabalita habang nakalubog sa baha.