73 anyos na ginang, nanganak ng kambal na babae

  • Nagluwal ng kambal na babae ang isang 73 anyos na ginang mula sa India
  • Ang kambal ay nabuo sa pamamagitan ng vitro fertilization
  • Ayon sa ginang, sa kabila ng kaniyang edad, nais umano nilang magkaanak dahil kinukutya umano siya sa kanilang komunidad
Image from Ignacio Campo on Unsplash

Ang maging ina ang isa sa mga pinapangarap ng maraming kababaihan. Kaya naman marami sa mga bagong kasal ang sumumusubok agad na magkaroon ng anak habang sila ay mga bata pa at kaya pang mag-alaga ng mga bata.

Ayon sa mga eksperto, ang ideal na edad upang magbuntis ang isang babae ay mula edad 25 hanggang 30. Ngunit maaari din umanong mabuntis ang isang babae sa edad na 35 hanggang 40.

Asahan daw na ang mga babaeng edad 35 hanggang 40 ay magkakaroon pa rin ng malulusog na mga sanggol sa kabila ng kanilang edad. Kailangan lang nila ng dobleng pag-iingat at pag-aalaga sa sarili.

Marami ang naniniwala sa kasabihang “age doesn’t matter,” ngunit hindi ito praktikal pagdating sa edad ng pagbubuntis at panganganak. Dahil habang tumatanda ang babae, lumiliit na ang kaniyang tsansa na siya ay mabuntis.

Kailangang isaalang-alang ang edad ng babae lalo na at may kasabihan din na tuwing nanganganak, kalahati ng kaniyang katawan ay nakalubog na sa hukay.

Image from Kit Suman on Unsplash

Ganitong klaseng panganib ang sinuong ng isang ginang mula India nang siya ay magbuntis at manganak. Sino ba naman ang hindi magugulat dahil sa edad na 73 anyos, si Mangayamma Yaramati ay nakapagsilang ng kambal na babae.

Ayon kay Yaramati at 82 anyos na asawang si Sitarama Rajarao, ang kambal ay nabuo sa pamamagitan ng vitro fertilization.

Ang vitro fertilization o IVF ay isang proseso kung saan ay pagsasamahin ang egg at sperm cells sa isang laboratory. Pagkatapos pagsamahan ng fertilized eggs, ililipat na ito sa matris ng babae.

Image from Aditya Romansa on Unsplash

Isinilang ang kambal na sanggol sa pamamagitan ng Cesarian section at nasa mabuting kalagayan umano sila at ang kanilang ina.

Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa sa pagkasilang ng kanilang kambal na anak. Matagal na raw nilang sinusubukang magkaanak simula noong sila ay ikinasal noong 1962. Noong 2018, pinayuhan sila ng kanilang doktor na gawin ang IVF treatment.

Ayon pa kay Yaramati, sa kabila ng kanilang edad ng kaniyang asawa, nais umano nilang magkaroon ng anak dahil nagiging tampulan sila ng tukso sa kanilang komunidad.

Noong 2016, isang 72 anyos na ginang din mula sa India ang naiulat na nagluwal ng lalaking sanggol.