Iconic Merlion statue sa Singapore, gigibain na para bigyang-daan ang isang multi-million project

  • Hanggang sa larawan na lamang makikita ang iconic Merlion statue sa Sentosa, Singapore simula Oktubre 20
  • Nakatakda kasing gibain ang popular na tourist landmark upang magbigay-daan sa S$90-million Sentosa Sensoryscape project
  • Isa lamang itong patunay na maaaring mapawalang-halaga ang cultural value ng isang bagay o pook para sa inaasam na pag-unlad o modernisasyon

Nakatakda nang gibain ang isa sa mga popular na tourist landmark sa Singapore—ang Merlion statue ng Sentosa. Hanggang Oktubre 20, 2019 na lamang makikita ang 37-metrong estatwa upang magbigay-daan sa itatayong S$90-million Sentosa Sensoryscape project.

Imahe mula sa Merlion Singapore Facebook page

Ang iconic Merlion statue ang isa sa mga dinarayo para pagpiktyuran ng mga turista, maging ng mga overseas Filipino workers sa Singapore kaya marami ang nalungkot sa inisyal na ibinalitang ito ni Prime Minister Lee Hsien Loong noong Agosto.

Sa inisyal na anunsiyo, sinabi na ang proyektong ito ang mag-uugnay sa dalawang isla sa Singapore: ang Sentosa at ang Pulau Brani.

Nitong Setyembre ay naglabas ulit ng mga karagdagang detalye tungkol sa proyekto na planong ikonekta ang Resorts World Sentosa sa mga dalampasigan ng city-state na magsisimula sa katapusan ng taong kasalukuyan.

Imahe mula sa Merlion Singapore Facebook page

Sa 2022 inaasahang makukumpleto ang proyekto na pangungunahan ng Sentosa Development Corporation. Kabilang sa mga dapat umanong asahan, lalo na ng mga turista, ay ang iba’t ibang anyo ng katubigan at elemento ng arkitektura na makapagdudulot ng multi-sensory experience.

Ang Sentosa Merlion ay itinayo noong 1995 at ito ang pinakamataas na Merlion statue sa Singapore.

Ang Merlion ay hango sa mayamang mitolohiya sa Singapore na may ulo ng lion at katawan ng isda. Ito ay idinisenyo noong 1964 ng British zoologist na si Alec Fraser-Brunner upang maging logo ng tourism board ng Singapore.

Inilalarawan lamang nito ang pinagmulan ng Singapore na nagsimula sa pagiging “fishing village” hanggang sa naging isang “lion city/country.”

Bukod sa nabanggit na Merlion statue, may anim pang ganitong estatwa ang nakatayo sa Singapore.