Lalaking nagtapos ng kaniyang master’s degree sa edad na 83, inspirasyon ang hatid sa nakararami

  • Walang makahahadlang sa isang tao na pursigido na pagyamanin ang kaniyang mga hilig sa buhay
  • May tamang panahon din para makamit ang mga pangarap—kahit minsan ay inaakala natin na masyado nang huli ang lahat
  • Ito ang inspirasyong hatid ng isang lalaki na nagtapos ng kaniyang master’s degree sa edad na 83

Ito ang inspirasyong hatid ng isang 83-taong-gulang na lalaki na nagtapos ng kaniyang Master’s Degree in English sa Lovely Professional University sa Jalandhar, Punjab, India nitong Setyembre.

Imahe mula sa Pixabay

Ayon sa report ng India Today, ang 83-taong-gulang na si Sohan Singh Gill ay nakatanggap ng masigabong palakpakan nang abutin nito ang kaniyang diploma na nagpapatunay na natapos niya ang kaniyang Master’s Degree in English.

Nagtapos siya sa Lovely Professional University sa Jalandhar, Punjab, India nitong Setyembre.

Sa ibinahaging Facebook post ni Asif Mohammed, sinabi umano ni Gill na nakamit niya ang matagal na niyang pinapangarap sa pahintulot na rin ng Diyos at ng kaniyang pagpupursigi sa buhay.

“With my will power and God’s Grace, I have finally achieved what I always desired,” pahayag ni Gill.

English ang paboritong wika ni Gill mula pagkabata. Nalinang niya ito habang siya ay nasa Kenya kung saan nagtrabaho siya bilang isang guro. Matagal na niyang plano ang makakuha ng master’s degree ngunit naging abala siya sa pagtuturo.

 “I knew all along that I will achieve it, so there was no doubt. I have been training IELTS students as well and all have earned good marks,” dagdag pa ni Gill.

Ayon sa report ng Inquirer, ang IELTS o International English Language Testing System ay isang pandaigdigang standardized test sa English language proficiency ng mga taong hindi talaga native speaker ng wikang ito.

Ibig sabihin lamang nito na naibabahagi rin ni Gill ang kaniyang mga kaalamang pangwika sa mga mag-aaral na nais matuto ng English.

Taong 1957 nang magtapos si Gill sa Khalsa College sa Mahipalpur, New Delhi bago kumuha ng kurso sa pagtuturo.

Imahe mula sa Facebook account ni Asif Mohammed

Taong 2017, sa edad niyang 81, nang magdesisyon naman si Gill na kumuha ng long-distance education course na nagresulta upang matapos niya ang master’s degree.

Kasama ni Gill ang kaniyang pamilya sa isa sa pinakamasayang yugto ng kaniyang buhay bilang isang propesyonal.