DOLE Sec. Bello sa dalawang taong probationary period: “We will recommend veto kay Pangulong Duterte”

  • Hindi pabor si DOLE Secretary Silvestre Bello III sa panukalang batas na 2 taong probationary period
  • Hindi raw kasi ito naaayon sa nais ng pamahalaan na security of tenure para sa mga manggagawa
  • Sakaling makalusot daw ito sa kongreso, irerekomenda raw ng DOLE na i-veto ang nasabing panukalang batas

Kamakailan lamang ay naging kontrobersyal ang panukala ni Probinsyano Ako party list representative Jose ‘Bonito’ Singson, Jr. na imbes na anim na buwan, ay gagawing dalawang taon ang probationary period ng mga kompanya para sa mga manggagawa. Ayon sa ilang trabahador, hindi umano makatao ang dalawang taon para makuha ang benepisyo ng isang regular employee.

Nakakuha ng kakampi ang mga tutol sa panukalang batas na ito mula sa Department of Labor and Employment (DOLE). Inihayag kasi ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na hindi umano magandang ideya ang dalawang taon probationary period dahil taliwas daw ito sa layunin ng pamahalaan.

Larawan mula sa PTV4

Ayon kay Bello, salungat daw sa misyon ng kasalukuyang pamahalaan ang mas mahabang probationary period. Banta raw ito sa security of tenure ng mga manggagawa at baka magresulta pa sa iligal na contractual employment.

Saad pa ni Bello sa isang panayam sa DZBB na hindi raw nila alam ang totoong motibo ng Probinsyano Ako party list sa pag-sponsor ng ganitong uri ng panukala at masyado raw mahaba ang dalawang taon para maging regular sa trabaho.

“Hindi namin alam ano ang dahilan kung bakit nag-sponsor ang Ang Probinsyano party list ng longer period of probation. With due respect, ang DOLE has a different position kasi masyado naman atang mahaba iyan,” pahayag ni Bello.

Idiniin din ni Bello na sa kasalukuyang arrangement ng mga kompanya sa kanilang mga empleyado ay maaari namang pahabain pa ang anim na buwang probationary period lalo na kung nakitaan naman ng potensyal ng employer ang manggagawa. Maaari pa rin nitong patunayan ng ilang buwan pa ang sarili nito, ngunit kalabisan naman daw ang dalawang taon.

“Tama naman iyong six months (na probationary period) without prejudice kung mayroong usapan, may agreement between the employer and employee na they can have a longer period. Otherwise dapat sundin ‘yung probationary period na six months,” dagdag pa ni Bello.

Larawan mula sa DICT

Naninindigan naman si Bello na kapag pumasa sa kongreso ang panukala at makarating kay Pangulong Rodrigo Duterte, ay irerekomenda raw nila sa DOLE na i-veto ang batas dahil isang malaking pasakit umano ito sa mga manggagawa.

Maliban sa DOLE, umalma na rin sa panukalang batas ang ilang labor groups kabilang na ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) at Employers Confederation of the Philippines (ECOP).