Ginebra at Gilas player Japeth Aguilar, pinakasalan ang kanyang beauty queen girlfriend

  • Ikinasal na ang PBA Star at Gilas Pilipinas player na si Japeth Aguilar sa kanyang nobya
  • Isang dating beauty queen ang misis ni Aguilar na kilala bilang isang simpleng babae lamang
  • Civil wedding ang ginawang kasal na dinaluhan lamang ng kanilang mga kaanak

Ang taong 2019 ay hindi lamang taon ng basketball para sa Barangay Ginebra San Miguel at Gilas Pilipinas player na si Japeth Aguilar. Maliban kasi sa pagsali sa international leagues gaya ng FIBA World Cup at Southeast Asian (SEA) Games, naging abala rin si Aguilar sa kanilang personal na buhay.

Kamakailan kasi, pinatunayan ni Aguilar na hindi lamang siya kampeon sa loob ng court, kung hindi maging sa kanyang buhay pag-ibig. Ikinasal ang Barangay Ginebra player sa kanyang beauty queen girlfriend na si Cassandra Naidas.

Larawan mula kay Cassandra Naidas at Metro Photos

Ibinahagi ni Naidas, first-runner up sa Miss World Philippines 2015, sa kanyang Instagram account ang larawan ng pag-iisang dibdib nila ng champion basketball player. Isang simpleng civil wedding ang nagpatibay sa tatlong taong relasyon nina Aguilar at Naidas.

“Married God’s best today,” walang mapagsidlan ng tuwang pahayag ni Naidas sa kanyang Instagram account.

Noong Pebrero din ng taong ito, nag-propose si Aguilar kay Naidas sa airport. Ayon kay Naidas, isang simpleng proposal lang ang ginawa ng nobyo dahil kilala siya nito bilang isang simpleng babae lamang. Kaya hindi na rin nakapagtatakang naging simple lang din ang kanilang kasal.

“You could have done something grand and cheesy, but you know me so well and did exactly how I would have wanted it to be,” pahayag ni Naidas sa kanyang post nang inanusiyong engaged na sila ni Aguilar.

Larawan mula kay Cassandra Naidas

Nakatanggap naman ng pagbati ang newlyweds sa kanilang mga kaibigan katulad ni Miss World 2012 Megan Young, MJ Lastimosa, Ariella Arida, Mutya Datul, at mga aktres na sina Denise Laurel at RR Enriquez.

Sa Instagram story din ni Naidas na ngayon ay Mrs. Aguilar na, ay makikita ang larawan ng mga kapamilya nila na dumalo sa kasal, at ang simpleng selebrasyong ginawa matapos ang sermonya.