KWF may panawagan: Gamitin ang wikang katutubo sa mga pahayagang pampaaralan

  • Kailangan umanong gamitin ang mga katutubong wika sa Pilipinas sa pagbuo ng mga pahayagang pampaaralan
  • Ito ang panawagan ng KWF sa DepEd at NSPC
  • Pakikiisa ito ng bansa sa pandaigdigang pagdiriwang ng “Taon ng mga Katutubong Wika”

Hinimok ng Komisyon sa Wikang Filipino ang Department of Education o DepEd gayundin ang National Schools Press Conference o NSPC na ipagamit sa pagsulat ng mga pahayagang pampaaralan sa buong bansa ang mga katutubong wika bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng “Taon ng mga Katutubong Wika” sa buong daigdig.

Public Domain Image

Naglabas ng Board Decision No. 19-62, Series of 2019 ang KWF na naglalayong matiyak na maitatampok at magagamit ang 130 indigenous languages o mga katutubong wika sa Pilipinas bilang simbolo ng kalinangan o kultura ng bwat pangkat–etniko o katutubong liping gumagamit nito. 

Hinihikayat din ng KWF ang iba pang mga ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na gamitin ang mga katutubong wika upang patuloy itong mabuhay at hindi mawala sa talasalitaan.

Bukod sa paghimok sa mga paaralan na magsulat gamit ang mga katutubong wika, nagsagawa rin ng patimpalak ang KWF para sa mga manunulat na may kakayahang magsulat ng kanilang mga natatanging akda gamit ang mga katutubong wika. Tinawag nila itong “Uswag Darepdep”.

“Nais nating hikayatin ang mga kabataan na magsulat hindi lámang sa wikang Filipino, kundi pati sa kanilang mga katutubong wika. Sila ang magbubunsod ng pag-unlad ng ating mga katutubong wika at panitikan,” saad ng Punong Komisyuner ng KWF na si Kgg. Virgilio Almario na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan.

Public Domain Image

May 130 katutubong wika na ginagamit sa buong Pilipinas. Ang Pilipinas ay isang multilinggwal na bansa na nangangahulugang maraming wika ang sinasalita dahil sa pagkakaroon ng maraming mga pangkat–etniko, dulot na rin ng pagiging kapuluan o arkipelago nito.

May labindalawang pangunahin o prinsipal na katutubong wika naman ang bansa. Ito ang mga katutubo o vernakular na wikang may pinakamalaking populasyon ng mga taong gumagamit sa isang rehiyon. Ito ay ang Tagalog, Ilokano, Pangasinense o Pangasinan, Kapampangan, Waray, Bikolano, Hiligaynon, Cebuano, Tausug, Waray, Maranao at Magundanao.

Ang naging tema ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong 2019 ay “Wikang Katutubo Tungo sa Bansang Filipino”.