Inihaw na tuyo, tunay na pagkaing Pilipino

  • Natakam ang netizens sa larawan ng tuyong iniihaw
  • Tanong ng uploader, kung may nakaranas na bang mag–ihaw ng tuyo at kumain nito
  • Maaari itong ulamin sa kanin o sabay na kainin kasama ng champorado

Kung sawa ka na sa matataba at mamantikang pagkain tulad ng pritong manok, lechon, mechado, adobo, at marami pang iba, bakit hindi subuking bumili ng isdang inasnan at ibinilad sa ilalim ng matinding sikat ng araw, o mas kilala sa tawag na “tuyo”?

Nakapagpatakam sa netizens ang larawan ng tuyo na iniihaw sa mainit na baga, na ibinahagi ng Facebook user na si Lyca Joyce Izon sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. May caption ang kaniyang Facebook post na “Kaway–kaway sa nakaranas mag–ihaw at kumain ng inihaw na tuyo.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagbigay naman ng komento rito ang mga ginutom na netizens.

“I will try my best to have it before the end of 2019 finger cross. Nakakatakam naman ito! Para ko nang naaamoy ang aroma. Kaya lang, malalaman ng kapitbahay mo kung ano ang ulam mo hahaha.”

“Paborito naming ulam iyan sa almusal. Iyan ang almusal namin noong bata pa kami,  binabahugan namin ng kape, tapos mainit na kanin o kaya sinangag. Sarap! Siguradong taob ang kaldero.”

“Sarap niyan sa bahaw na kanin at my sabaw na gatas ng kalabaw.”

“Iyan ang masarap na buhay–probinsya, dati kong danas iyan, inihaw na tuyo wala nang iba, solve ka kasi may sawsawang sukang maanghang.

All–time favorite na ulam talaga ng mga Pilipino ang tuyo, lalo na tuwing almusal o agahan. Maaari itong ulamin sa kaning bahaw, bagong sinaing, o maging sa sinangag. Dalawa rin ang maaaring maging sawsawan nito: sukang maanghang na binudburan ng ginayat na bawang, o kaya naman ay pinisang kamatis. Dagdagan pa ng talbos ng kamote o iba pang gulay.

Public Domain Image

May ilan din namang ipinapareha ang tuyo sa pagkain ng mainit na champorado. Naghahalo kasi ang tamis at alat na nagbibigay ng masarap na lasa sa sinumang kakain nito.

Ikaw, naranasan mo na rin bang mag–ihaw at kumain ng tuyo?