Ken Chan nagbigay-pugay sa mga iconic TV roles na nagbigay sa kanya ng pangalan sa indusriya

  • Pinasalamatan ni Ken Chan sa pamamagitan ng Instagram post ang kanyang mga iconic roles sa Kapuso Network
  • Ayon kay Ken, binago raw ng mga roles na ito ang takbo ng kanyang buhay at katayuan sa industriya
  • Tinawag din ni Ken ang kanyang mga iconic roles na apat niyang mukha

Isa sa mga pinakasikat na artista ng Kapuso Network ang aktor na si Ken Chan. Mula sa pagiging performer sa late night show ng yumaong si Kuya Germs na ‘Walang Tulugan,’ itinuturing na nga si Ken bilang isa sa pinakamahuhusay na aktor sa bansa.

Napatunayan niya ang kanyang galing bilang artista dahil sa mga kakaibang role na ginampanan at ginagampanan niya. Masasabing kahit ilang taon pa lamang si Ken sa industriya ay beterano na siya sa pagganap sa iba’t ibang role sa telebisyon.

Larawan mula sa Instagram account ni Ken Chan

Sa isang Instagram post, nagbigay-pugay si Ken sa apat na iconic roles na nagkaroon siya sa kanyang karera bilang aktor. Nagpasalamat siya sa Panginoon at sa GMA Network sa pagbibigay sa kanya ng mga magagandang role na talaga namang sinubaybayan ng mga manonood dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

“Ang aking apat na mukha… Biniyayaan ako ng Panginoon at ng GMA 7 ng mga karakter na nagpabago ng aking buhay. #Blessed,” pahayag ng binata sa kanyang post na umani ng libo-libong likes.

Kabilang sa mga tauhang sinasabi ni Ken na kanyang apat na mukha ay sina Destiny Rose, Yuan Lee ng Meant To Be, Boyet ng My Special Tatay, at si Grant Altamirano ng One of the Baes.

Unang ginulat ni Ken ang Kapuso audience sa pagganap niya bilang isang transwoman sa afternoon soap na Destiny Rose. Marami ang humanga sa ganda ni Ken na akala mo raw ay isang tunay na babae. Taong 2015 nang ipalabas ito sa GMA at ngayon ay ipinalalabas na sa ibang bansa tulad ng Thailand.

Dahil sa pumatok ang Destiny Rose, napanood naman si Ken sa isang primetime show kasama si Barbie Forteza na Meant to Be. Gumanap siya rito bilang ang masungit na Chinese-Filipino na si Yuan Lee. Pumatok ang tambalan nila ni Barbie at nakagawa pa ng pelikula.

Larawan mula sa Instagram account ni Ken Chan

Ngunit ang masasabing biggest break ni Ken ay ang pagdating ni Boyet ng My Special Tatay. Marami ang natuwa sa pagganap ni Ken kay Boyet na may special needs dahil sa pagiging makulit nito na nag-trending rin sa social media. Dito rin nadiskubre ang tambalan nila ni Rita Daniela.

Sa kasalukuyan naman ay bida si Ken ng top rating primetime show na One of the Baes kung saan gumaganap siya na si Grant Altamirano, isang maritime student. Katambal niya rin dito si Rita.

More blessings at iconic roles, Ken!