‘Syota ng bayan’ na si Priscilla Almeda, nagbabalik sa showbiz makalipas ang 15 taon

  • Si Priscilla ay mas nakilala bilang ‘syota ng bayan’ na pamagat din ng huli niyang pelikula noon bago iwan ang showbiz
  • Makalipas ang 15 taong pananahimik at pagtira sa Canada ay nagbalik siya sa Pilipinas upang magbalik showbiz
  • Gayunman, tiniyak niyang iniwan na niya ang dati niyang katauhan at isang bagong Priscilla Almeda ang nais niyang makilala ng publiko

Nakilala bilang “syota ng bayan,” muling nagbabalik sa showbiz ang dating sexy star Priscilla Almeda na 15 taong nawala sa industriya.

Abby Viduya sa tunay na buhay, si Pricilla ay isa sa mga talents ng Seiko Films noong dekada nobenta. Gayunman, marami pa rin ang nakakikilala sa kaniya sapagkat mapanonood sa YouTube ang ilan sa kaniyang mga pelikula tulad ng Halik (1995) at Sutla (1999). Ang Syota ng Bayan naman ay huli niyang pelikula na ipinalabas noong 2001.

Imahe mula sa Facebook page ni Priscilla Almeda

Sa isang ekslusibong panayam ng PhilStar, ibinahagi ni Priscilla na may mga tao pa ring tumatawag sa kaniyang “syota ng bayan.”

“They watch it on YouTube and girls that I meet tell me ‘syota ng bayan’ and I kind of like it,” sabi ni Priscilla.

Ngunit binigyang-diin ni Priscilla na wala na ang dating syota ng bayan na nakilala noon ng kaniyang mga fans. Bagong “Priscilla Almeda” ang gusto niyang makilala ngayon ng publiko.

Nasaan nga ba si Priscilla nang mag-decide itong iwan muna ang showbiz? Nagpunta ang aktres sa Alberta, Canada at doon bumuo ng pamilya. May tatlo siyang anak na may edad 17, 8, at 4. Gayunman, hiwalay na sila ng kaniyang partner na hindi na gaanong ipinaliwanag ng aktres.

Nilinaw naman ni Priscilla na iniwan niya ang kaniyang mga anak sa Canada sa pangangalaga ng kaniyang mga kamag-anak doon at mayroon din sariling nanny.

Sa naging lifestyle niya sa Canada ay dumoble umano ang timbang ni Priscilla kaya nangako ito na bago bumalik sa PIlipinas ay makapagbawas siya ng timbang—na siya namang kaniyang ginawa.

Sa kaniyang pagbabalik, posibleng gayahin din niya ang kaniyang mga dating kasamahan sa Seiko, tulad ni Gardo Verzosa, na ang role na sa mga pelikula o teleserye ay isang magulang.

Imahe mula sa Facebook page ni Priscilla Almeda

Huling napanood si Priscilla sa teleseryeng “Sa Puso Ko, Iingatan Ka” na pinagbidahan noon nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual.