Bayaning guro, nasugatan matapos iligtas ang mga mag-aaral sa paglindol sa Cotabato

  • Malubhang nasugatan ang isang bayaning guro matapos niyang yakapin at protektahan ang kaniyang mga mag–aaral sa malakas na pagyanig sa Cotabato
  • Nabagsakan umano ito ng nagibang dingding ng day care center
  • Ligtas na ito batay sa update ng kaniyang anak na lalaki

Ang superhero ay hindi kailangang lumilipad, nakatatalon nang mataas, nagta–transform, o nakabubuhat ng mabibigat na bagay: sila ay maaari ring matatagpuan sa loob ng silid–aralan.

Isang guro ang malubhang nasugatan dahil sa kaniyang pagliligtas sa kaniyang mga mag–aaral sa day care center matapos ang pagyanig sa Cotabato City nitong Miyerkules, Oktubre 29, 2019 na may magnitude na 6.6.

Kinilala ang bayaning guro na si “Ginang Erlinda Ajero” na nagtuturo sa Rodero Day Care Center na matatagpuan sa Rodero, Makilala, North Cotabato.

Ayon sa Facebook post ng anak ng gurong si “Marky Mark Ajero”, sa labis na lakas ng pagyanig ay niyakap ng kaniyang ina ang mga pupils niya, subalit nadaganan sila ng bumagsak na dingding ng day care center. Humihingi siya ng panalangin sa lahat.

Imahe mula sa Facebook account ni Marky Mark Ajero

“Please pray for my Mom. My mother, ERLINDA AJERO, is a day care teacher sa Rodero Day Care Center sa Rodero, Makilala, North Cotabato. Sa sobrang lakas ng lind0l, niyakap na lang daw niya ang mga bata sa loob ng room kaya siya tinamaan ng pag–collapse ng wall. Pray for her recovery and sa mga day care pupil na na-njured din. Thank you po. Prayers do help.”

Ilang oras lamang ang nakalipas, nagbigay ng update si Marky Mark na nasa maayos na raw na kalagayan ang kaniyang bayaning ina. Humihingi naman siya ng dasal para naman sa isang pupil ng kaniyang ina na nasa pagamutan pa rin at nagpapalakas. Nabalian umano ito ng isang kamay.

“My mother is stable na po and walang dapat ika–worry. Please let us continue praying sa kanyang pupil na still naka– confine dahil sa fracture sa kamay. Salamat po sa mga prayers ninyo. Dalaygon ang Dios!”

Imahe mula sa Facebook account ni Marky Mark Ajero

Bumuhos naman ng paghanga mula sa netizens para sa bayaning gurong si Erlinda.

“Katangi–tangi po ang inyong ina. We will include her in our prayers para sa mabilis niyang recovery!”

“Salute to your mother po, and we will continue praying for her fastest recovery, pati na rin sa pupil niyang nabalian ng kamay. Get well soon po mam!”

Saludo kami sa iyo, Teacher Erlinda! Hangad namin ang tuluyan mong paggaling pati na rin ng iyong mga mag–aaral. Isa kang tunay na bayani!