Big time si Onay: Teleseryeng ‘Onanay,’ top-rating show sa bansang Dominican Republic

  • Ipinalalabas sa bansang Dominican Republic ang teleseryeng Onanay
  • Consistent top-rater daw ang serye sa nasabing bansa at isa sa most watched show sa Dominican Republic
  • Maliban sa Onanay, marami ding GMA series ang ipinalalabas sa Latin American countries

Ginulat ng aktres na si Jo Berry – na mayroong achondroplastic dwarfism – ang mga manonood nang magbida siya sa primetime series ng GMA Network na Onanay.  Pinatunayan ni Jo na hindi nasusukat sa tangkad o liit ang husay sa pag-arte kaya naman ngayon ay patuloy ang pagdating ng magagandang proyekto para sa kanya.

At hindi lamang mga Pilipino ang pinahahanga ni Jo dahil top-rater sa bansang Dominican Republic ang kanyang teleseryeng ‘Onanay.’ Pinalitan ang pamagat nito at ginawang El Amor Mas Grande at kasalukuyang ipinalalabas sa panghapong timeslot sa bansa.

Larawan mula sa Instagram ni Jo Berry

Ayon sa ulat ng GMA Network, ang Spanish-dubbed Filipino series ay nagtala ng mataas na TV ratings na 12.48% sa loob ng dalawang linggo. Dahil dito, itinanghal ito bilang isa sa most watched television program sa bansa at isa sa mga top-rating show ng Color Vision; ang network kung saan napapanood ang Onanay sa Dominican Republic.

Maging ang mga fans ni Onay na Spanish ay patuloy ang pagpapakita ng pagmamahal sa kanya at sa buong cast ng El Amor Mas Grande sa social media. Ayon sa kanila, kakaiba ang twists at takbo ng istorya kaya naman ito ay sinusubaybayan nila. Pinag-uusapan din sa video streaming website na YouTube ang mga eksena sa Onanay.

Hindi lamang ang show ang hinahangaan ng mga taga-Dominican Republic dahil maging ang theme song nito na “Awit Kay Inay” ang ginagamit ding soundtrack ng bersyon sa ibang bansa.

Unang napanood ang Onanay sa GMA Network noong August 2018 at tumagal hanggang Marso 2019. Dahil sa mataas na ratings nito, nakailang extension sila hanggang sa marating ang kanilang ika-160 episode. Kasama sa serye ang beteranang aktres na sina Nora Aunor at Cherrie Gil at ang mga baguhang Kapuso actress na sina Mikee Quintos at Kate Valdez bilang mga anak ni Onay.

Larawan mula sa Instagram ni Jo Berry

Dahil sa tagumpay ng Onanay, ipinalabas na rin ito sa bansang Ecuador. Bunga ng matagumpay na partnership ng GMA Worldwide, Inc. at Latin Media Corporation.

Maliban sa Onanay, patok sa iba pang Latin American countries ang mga teleseryeng gawa ng GMA Network. Proud naman ang mga artista ng mga seryeng ito dahil dati raw ay mga Pilipino lang ang kumukuha ng mga Mexicanovela. Ngayon naman daw ay sila ang humahanga sa mga Pinoy telenovelas.