Commemorative stamps ng OPM icons na sina Rico J. Puno, Pepe Smith, at Rene Garcia, ilalabas ng PHLPost

  • Maglalabas ang PHLPost ng stamps para sa mga namayapang OPM icons na sina Rico J Puno, Pepe Smith, at Rene Garcia ng Hotdog
  • Ito raw ay para alalahanin ang kanilang kontribusyon sa musikang Pilipino
  • Inaasahang sa Nobyembre ay ilalabas na ang mga commemorative stamps

Hindi maitatangging nagmarka sa mga Pilipino ang mga awitin ng mga performers na sina Rico J. Puno, Pepe Smith, at Rene Garcia ng bandang Hotdog. Paborito ng marami sa atin na awitin ang mga kanta nila sa videoke, habang ang iba naman ay naging soundtrack na ng ating mga buhay.

Ngayon naman, bilang pagbibigay-pugay sa kanilang naging ambag sa industriya, nakatakdang maglabas ng commemorative stamps ang Philippine Postal Corporation (PHLPost). Ito ay bilang bahagi ng kanilang “Pinoy Music Icon” stamps na unang kikilalanin ang legasiya ng mga yumaong sina Puno, Smith, at Garcia.

Larawan mula sa PHLPost

Ayon sa PHLPost, hindi lamang daw mabisang paraan ng pagkilala sa kontribusyon ng mga OPM Icons ang kanilang gagawing paglalagay sa mga commemorative stamps, ngunit isa ring daan upang maipamana sa kasalukuyang henerasyon ang musika ng mga nasabing mang-aawit.

Dagdag din ng PHLPost, isinangguni nila sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), National Historical Commission of the Philippines (NHCP), at Philippine Philatelic Federation (PPF) ang paglalabas ng stamps nina Puno, Smith, at Garcia at lahat daw ay agad na pumayag sa panukala.

Nakuha raw ng PHLPost ang ideya ng paglalabas ng commemorative stamps nang gawin ito ng US para sa kanilang mga music icons tulad nina Elvis Presley, John Lennon, at Marvin Gaye.

Matatandaan na noong nakaraang taon, sunod-sunod na ginulat ng balita ng pagyao ng mga music icons ang industriya ng showbiz. Setyembre 2018 nang mamaalam si Garcia habang noong Oktubre ng taong din iyon naman si Puno. Enero naman ng 2019 nang tuluyan nang nagpahinga si Smith.

Tinagurian bilang ‘The Total Entertainer,’ nakilala si Puno sa kanyang mga upbeat at ballad songs na hanggang ngayon ay paborito pa rin ng mga Pilipino. Ilan sa kanyang mga sikat na awitin ay ang “Macho Guwapito,” “May Bukas Pa,” “Lupa,” at “Kapalaran.” Naging aktibo rin si Puno bilang isang TV personality at kabilang siya sa mga hurado ng Tawag ng Tanghalan sa It’s Showtime nang mamaalam.

Larawan mula sa PHLPost

Naging tanyag naman sa kani-kanilang banda sina Garcia at Smith. Kabilang sa bandang ‘Hotdog’ si Garcia at pinasikat ang tinaguriang Manila Sound. Ilan sa kanilang greatest hits ay ang “Bongga Ka Day,” “Manila,” “Annie Batumbakal,” at “Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko.”

Rock and Roll naman ang awitin ni Smith at ng banda niyang Juan Dela Cruz band. Ka-banda niya sina Mike Hanopol at Wally Gonzales at pinasikat ang mga kantang “Beep Beep,” “Ang Himig Natin,” at “Titser’s Enemi No.1.”