Lumang larawan ng ina ni Dr. Jose Rizal na si Teodora Alonzo, nagpamangha sa netizens

  • Pinag–usapan ang lumang larawan ni Teodora Alonzo sa social media
  • Siya ang ina ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose Rizal
  • Namangha naman ang netizens at nagbigay sila ng komento hinggil dito

Nakabibilib isipin na may mga larawang nailalabas ang mga tao ngayon na kuha pa noong mga sinaunang panahon, lalo na sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa ating bansa. Isa na riyan ang lumang larawan ng ina ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Teodora Alonzo.

Namangha ang netizens sa ibinahaging larawan ng Facebook user na si “Yet Toguin” na makikita sa Facebook page na “Memories of Old Manila” kung saan makikita ang napakatandang si Teodora Alonzo habang nakaupo sa isang silya.

Batay sa caption ng kaniyang Facebook post, ito ay kuhang larawan ilang buwan bago lisanin ng butihing ina ni Dr. Rizal ang daigdig. Ang petsa nito ay noon pang 1911.

Imahe mula sa Facebook post Memories of Old Manila | Yet Toguin

“Para po sa kabataan na hindi pa nakakaalam, ito ang huling larawan ni Ginang Teodora Alonzo, ang butihing ina ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, ilang buwan bago siya bawian ng buhay sa kanilang tahanan sa San Fernando St., Binondo, Manila noong August 16, 1911.”

Umani naman ito ng komento mula sa netizens.

“She is an ideal and a great mom of our national hero!”

“Kamangha–manghang makita ang larawan ng  taong nabuhay nang matagal na panahon kagaya ni Ginang Teodora Alonzo. Sana mayroon ding impormasyon tungkol sa ama ni Dr. Rizal, pati larawan.”

“Salamat sa pag–post nito. Napaka-rare na makakita tayo ng ganito lalo na kapag picture ng magulang ng hero natin.”

Si Teodora Alonzo Realonda y Quintos ay ina nina Paciano at Jose Rizal (at iba pa nilang mga kapatid) at asawa naman ni Francisco Mercado.

Public Domain Image

Nagmula siya sa mayamang angkan, at naging unang guro ng ating pambansang bayani. Dahil sa kaniyang kalagayan sa mata, napagpasyahan ni Dr. Jose Rizal na maging manggagamot.