Magaan at malamig! Nakatulog ka na ba sa banig?

  • Napabalik sa nakalipas ang netizens matapos makita ang larawan ng banig sa isang Facebook page
  • Ang banig ay makalumang higaan ng mga Pilipino na ginagawa sa paraan ng paghahabi
  • Itinuturing na “Banig Capital of the Philippines” ang bayan ng Basey sa Samar

Mahalaga ang pagkakaroon ng mahimbing na pagtulog sa isang tao, hindi lamang upang maging maganda ang pakiramdam o mood para sa buong araw, kundi upang mapanatili ring malusog ang pangangatawan at kalusugan. Marami nang patunay ang lumabas na ang kakulangan sa tulog ay pinagmumulan ng iba’t ibang uri ng karamdaman.

Upang magkaroon nang mas masarap na tulog, ipinapayo ng mga eksperto na maging komportable ang iyong tutulugan: maging ito man ay malambot na kama, katre, papag, o banig.

Kung tradisyunal na bagay ang pag–uusapan, ang banig ay itinuturing na pinakamakalumang kagamitan ng mga Pilipino sa pagtulog, bago pa man mauso ang malalaki at malalambot na kama. Kaya naman marami ang natuwa sa ibinahaging post ng Facebook user na si “Sharraine Aranda” sa Facebook page na “Nostalgia Philippines” kung saan makikita ang mga nakarolyong banig. Tanong niya: “Naranasan mo bang matulog sa banig?”

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Tinugon naman ito ng netizens na nakaranas na ngang matulog sa banig.

“Yes, noong elementary ako sa banig ako natutulog. The best ang matulog sa banig.”

“Of course, very relaxing! Presko sa pagtulog. Higaan namin iyan sa sahig na kawayan sa probinsya. Sasamahan pa namin ng kulambo upang hindi kami makagat ng mga lamok at iba pang insekto. Those were the days na talaga namang nakakamiss!”

“No need to ask, of course, pero ewan ko lang sa mga taong sobrang mayayaman! Madalas nga lamang na maihian ng mga bata. Pero parang maninibago na ako kung gagawin ko ulit ngayon, kama na kasi ang uso.”

Ang banig ay nililikha sa pamamagitan ng paghahabi na tradisyunal na hanapbuhay ng mga katutubo sa lalawigan. Ito ay maaaring gawa sa dahon ng palmera, buri, pandanus, o kaya’y sea grass. Kaakit–akit ito sa paningin dahil maaari itong lagyan ng iba’t ibang kulay. Maaari itong gamiting upuan, subalit sa mas madalas na pagkakataon, ito ay ginagamit bilang higaan o tulugan. Walang mag–anak noon na hindi nagmay–ari ng banig sa bawat tahanan.

Itinuturing namang “Banig Capital of the Philippines” ang bayan ng Basey sa lalawigan ng Samar dahil sa makukulay at matitibay na banig na kanilang nililikha bilang kanilang hanapbuhay.

Imahe mula sa website na The 7107 Islands