Magulang sa pagtuturo ng disiplina sa mga anak: “Maliit pa lang sila, tinuruan nang magsumikap sa gusto nilang bagay”

  • Mayroong payo ang isang magulang sa mga kapuwa magulang sa pagdidisiplina sa anak
  • Ang mga anak niya raw kasi ay natutong hindi umiyak sa mall dahil sa mga laruan
  • Ayon sa kanya, binibilhan niya raw ang mga ito ng laruan kapag maganda ang marka o gumagawa ng mabuti

Normal na eksena na sa mall o mga pamilihan ang mga batang umiiyak dahil hindi binilhan ng laruan ng kanilang mga ina. Kapag kasi tight sa budget si mommy o si daddy, tiyak na wala munang bilihan ng laruan para sa mga anak. O ‘di kaya naman ay iiwas muna ang pamilyang dumaan sa tindahan ng laruan.

Pero sa ibinahaging Facebook post ng netizen na si Jannes Gegato Gonzales-Brillantes, wala raw ganitong eksena kapag kasama nila ang kanyang mga anak sa tindahan ng laruan. Kusa pa nga raw silang dumaraan sa mga ito upang magsilbing motibasyon sa mga anak.

Larawan mula kay Jannes Gegato Gonzales-Brillantes

Ayon kay Brillantes, maliit pa lamang daw ang kanyang mga anak ay naturuan na niya ang mga ito ng disiplina, partikular sa pagsusumikap sa mga bagay na gusto nila tulad ng mga laruan. Hindi raw nakagawian ng mga anak niyang umiyak para bilhan ng laruan dahil may paraan naman daw para makuha nila ito.

Ginagawa niya raw kasing motibasyon ito sa mga anak upang mag-aral nang maigi at maging mababait na bata. Alam na raw ng kanyang mga anak na kapag mataas ang kanilang marka at nakakuha ng perfect sa exam, o ‘di kaya naman ay naging mabait, ay pabuya na ang gusto nilang laruan.

“Mga lalaki sila kaya sabi ng iba mas matigas ang ulo? Pero ‘yang mga batang yan… Walang iyakan. Walang pagwawala. Walang paglulupasay sa sahig. Walang pilitan ng pagpapabili,” bungad ni Brillantes sa kanyang post.

“Dahil maliliit pa lang sila tinuruan na namin silang hindi lahat ng gusto nila makukuha nila at dahil maliliit pa lang sila tinuruan na namin silang paghirapan at magsumikap kapag may gusto silang isang bagay,” dagdag ni Brillantes.

Dahil daw dito ay natututong mag-set ng goals ang mga bata para sa sarili nila. Pagmamalaki rin ni Brillantes, ang ganitong paraan ng pagdidisiplina sa mga anak ay mayroong pangmatagalang epekto.

Larawan mula sa Flickr

“Minsan lang natin sila huhubugin nang tama. Kapag nagkamali ka, hindi mo na mauulit ang panahon at maitama ang mga mali. Kaya bata pa lang sila gawin na natin ang tama para sa kanila,” pahayag ni Brillantes.

Maraming mga magulang naman ang humanga sa payo ni Brillantes maging sa disiplinang taglay ng kanyang mga anak. Kanya-kanya silang tag sa mga kakilala upang ibahagi ang magagandang payo ni Brillantes sa pagdisiplina sa kanilang mga anak.