Manilyn Reynes, dinala ang kanyang concert sa silid ng may karamdamang ama

  • Kakaibang concert ang ginawa ni Manilyn Reynes nitong nakaraang linggo
  • Bago kasi magtanghal sa maraming manonood, isang eksklusibong ‘concert’ ang ginawa niya para sa amang maysakit
  • Kinantahan nila ng ina ang ama habang nasa kama dahil hindi na ito makanonood ng mismong concert

Bago nakilala sa kanyang role bilang Elsa Manaloto sa sitcom ng GMA Network na Pepito Manaloto, naging tanyag si Manilyn Reynes bilang isang mang-aawit. At kamakailan lamang, nagkaroon siya ng concert sa hometown niyang Cebu.

Ngunit bago magtanghal sa venue, isang espesyal na pagtatanghal muna ang ginawa niya para sa ama. Pagsasalaysay ni Manilyn sa isang Instagram post, sanay daw kasi siyang nanonood sa lahat ng kanyang concerts ang ama. Ngunit dahil may karamdaman ito, hindi na ito makabangon sa kanyang higaan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Kaya naman ilang oras bago ang concert, itinanghal muna ni Manilyn at inang si Nanay Louching ang kanilang magiging duet. Inawit nila nang buo ang kantang ‘You’ ng The Carpenters. Sabi ni Manilyn, ang makapagtanghal sa harap ng ama ang nagbigay ng inspirasyon sa kanya sa buong gabi ng konsyerto.

“Si Daddy po, dahil sa condition niya, hindi na makakapanood. So nag-decide kami na kantahin sa kanya yung song, bago mag-show,” sabi ni Manilyn sa kanyang post kasama ang video na inaawitan ang ama.

“At wala pong kasing-saya ang puso ko nang makantahan at makita kong masaya siyang nakikinig sa amin. Tulad nung maliit pa ako,” dagdag ni Manilyn.

Itinuturing kasi ni Manilyn na mentors sa pagkanta ang mga magulang. Sa kanyang nanay at tatay niya namana ang kanyang husay sa pag-awit. Sa katunayan, fan daw si Manilyn ng napakalamig na boses ng kanyang ina kaya kung noon ay impromptu ang duets nila sa concert ni Manilyn, ngayon ay kasama na talaga ang ina sa guests.

Larawan mula sa Instagram account ni Manilyn Reynes

“This year I did 2 shows in Cebu. Yung una po, impromptu yung song namin ni Mama. Pero nitong huli, isinama na po talaga namin sa show as one song number. As always, I love singing with my Mama. Napakalamig at napakaganda ng boses niya,” pahayag pa ni Manilyn.

Dahil sa kalagayan ng ama, humihingi ng panalangin mula sa kanyang fans si Manilyn. Kahit abala siya sa dalawang shows sa GMA, sinisiguro daw niyang nakadadalaw sa amang nasa Cebu kasama ang kanyang mga anak.