Nadaanan mo na rin ba ang “higanteng vetsin at toyo” sa kalsada?

  • Napag–usapan ng netizens ang “higanteng lalagyan ng vetsin at toyo”
  • Ang higanteng vetsin ay nakikita noon sa tabi ng NLEX sa Bulacan
  • Nasa Sorsogon naman ang higanteng toyo

Sa ating paglalakbay, nakawawala ng pagod at pagkainip ang pagsulyap sa labas ng bintana ng mga sasakyan upang pagmasdan ang mga tao, tanawin, at iba pang bagay na ating madaraanan. At kung sakaling napadaan ka sa isa sa mga pangunahing express lane sa bansa, tiyak na nadaanan mo na rin ang isang “higanteng vetsin” na nasa tabi ng kalsada.

Isang Facebook user na nagngangalang “Yet Toguin” ang nagbahagi ng larawan ng higanteng lalagyan ng vetsin sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Batay sa kaniyang Facebook post, lagi raw nila itong nakikita sa kalsadang kanilang dinaraan sa tuwing luluwas sila sa Maynila. Kasama na ito sa kanilang inaabangan.

“Noon po kapag luluwas kami ng Maynila, ito ang inaabangan naming magkakapatid. Tuwang-tuwa kami noon dito. Higanteng vetsin ang tawag namin.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Naki–throwback naman ang iba pang netizens hinggil sa naturang higanteng lalagyan ng vetsin.

“Sa may NLEX yata iyan, North Bound pagitan ng Pulilan at San Simon. Those were the days na lagi kaming umuuwi ng Pampanga na magkakasama. Lagi din naming inaabangan ‘yan ng mga kapatid ko. Miss the good old days.”

“Natatandaan ko ‘to. Pero ang nakakatuwa, nawala ito nang hindi ko man lang namalayan o napansin.”

“Oo nga noong bata pa ako, iyan din ang lagi kong tinitingnan kapag dumadaan kami sa NLEX noon…”

“Kapag iyong pinagmamasdan ang bagay na ito sa iyong paglalakbay, sariwang hangin,  napakaaliwalas ng buhay bagong pag–asa, bagong simula sa iyong kabanata ng buhay. Sarap balikan ang nakaraan.”

Samantala, ang ibang netizens naman ay nagbahagi rin ng iba pang mga higanteng condiments na makikita sa daan tulad ng higanteng toyo at suka.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

“Kapag naman umuuwi kami ng Sorsogon, ito lagi inaabangan ko: higanteng toyo!”

Ang mga higanteng vetsin at toyo na ito ay piping saksi sa lahat ng mga behikulong dumadaan sa kanilang harapan.