Total Solar Eclipse noong 1954, muling sinariwa

  • Nanariwa sa alaala ng netizens ang naganap na total solar eclipse sa Pilipinas at iba pang panig ng daigdig noong 1950’s
  • Marami sa kanila ang nagsalaysay ng kanilang karanasan hinggil dito
  • Mangyayari ulit umano ang naturang eclipse sa 2042

Nasaksihan at naranasan mo na ba ang pagdilim ng paligid at kalangitan sa loob ng isa hanggang dalawang minuto kahit maaraw naman? Well, wala kang dapat ikabahala, hindi pa katapusan ng daigdig, kapatid. Ang tawag dito ay total solar eclipse o tinatawag na “duyog” sa wikang Tagalog.

Isang Facebook user na nagngangalang “Lourdes Fiesta” ang nagbahagi ng kaniyang hindi malilimutang karanasan hinggil sa naganap na “total solar eclipse” sa Pilipinas at iba pang panig ng daigdig noong Hunyo 1954, sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Ayon sa kaniyang Facebook post, nagdilim umano ang buong Pilipinas sa loob ng halos dalawang minuto. Pinauwi umano sila mula sa paaralan at nagtilaukan ang mga manok nang muling lumiwanag.

“Nasaksihan n’yo ba ito? Total Solar Eclipse, June, 1954? Ito ang hindi ko malilimutan sa tanang buhay ko, nagdilim ang buong Pilipinas sa loob ng 2 minuto at 35 segundo. Pinauwi mga mag–aaral mula sa eskwelahan. At nang lumiwanag, nagtilaukan ang mga manok. Hindi na muling naulit ito mula noon. Magaganap daw muli sa 2042, at ang buong Pilipinas ay magdidilim muli sa loob ng 4 na minuto.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

May ilang netizens na nagkomento rito lalo na ang mga nakaranas din ng eklipse. Ang sabi ng isa: “Nasa paaralan ako at pinalabas kami ng room that time. Ang araw ay tila naging gabi at nagtilaukan ang mga manok sa labas ng bakod ng paaralan.”

“Kami naman, nasaksihan ko at ng pamilya ko ang total solar eclipse sa Salem, Oregon on Aug. 21, 2017. It was truly an unforgettable experience.”

“Yes, I experienced this! Gumamit pa kami ng negatives ng camera na panangga para matingnan nang diretso habang tinatakpan ng buwan ang araw.”

“Yes, vividly remember the day turns to night and back, the roosters went up the trees to sleep… only for a few minutes, we use to look at the sun with a glass with candle soot.”

“Sa kwento ng nanay ko, nagdilim ng tanghaling–tapat. Mistulang gabi. Naglagay ng tubig sa mga batya para makita’t mapanood ang eclipse. Napakagandang experience daw.”

Public Domain Image

Ang total solar eclipse, na naganap noong 1954, ay nasaksihan ng maraming mga mamamayan sa iba’t ibang kontinente ng daigdig. Ang eclipse ay pagdaan ng buwan sa pagitan ng daigdig at araw, kaya natatakpan ng buwan ang liwanag na nagmumula sa araw, sa loob lamang ng ilang minuto.

Isa itong penomena, na ayon sa matatandang paniniwala, ay nagbabadya ng hindi magandang kapalaran o kamalasan. Subalit sa agham, ito ay isang likas o natural na pangyayari sa kalawakan.